Patay ang isang pulis matapos siyang barilin ng mga salarin habang nasa loob ng kaniyang SUV sa isang motel sa Pasig City. Ang kasama niyang 20-anyos na babae, sugatan.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing sakay ng kaniyang SUV si Senior Police Officer  2 Ernesto Sanchez, at ang babae nang pagbabaril sila sa Country Lodge motel nitong Huwebes ng gabi.

Sinasabing naghihintay na makapasok sa kuwarto ang mga biktima nang lapitan sila at pagbabarilin ng mga salarin na nakasakay sa isang AUV.

Napag-alaman na 20 taon nang anti-drug operative si Sanchez sa Southern Police District.

Noong 2014, tinambangan na rin daw si Sanchez pero nakaligtas.

Ayon kay S/Supt Orlando Yebra, hepe ng Pasig City police, dinisarmahan muna ng dalawang kasama ng mga salarin ang mga guwardiya ng motel bago pinuntirya si Sanchez.

Sinabi naman ng ina ng babaeng kasama ni Sanhez, na hindi niya alam ang naturang lakad ng anak at hindi rin nila kilala ang napatay na pulis.

Batay umano sa kuwento ng anak, bagong kakilala lang niya si Sanchez at nag-aya lang daw na kumain sa labas.

Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung may kinalaman sa trabaho ang pagpaslang sa pulis. Pero hindi rin daw inaalis ang anggulong "love triangle."

Blangko naman ang misis ni Sanchez na si SPO3 Josephine Sanchez, sa kung sino at ano ang motibo ng salarin para patayin ang asawa.

Samantala, natunton na ng mga pulis ang plakang ginamit sa sasakyan ng mga suspek pero lumitaw na nakarehistrado ito sa ibang uri ng sasakyan.-- FRJ, GMA News