Isang lalaki na dating nasa drug watchlist ang patay matapos barilin ng mga salaring sakay ng motorsiklo sa Caloocan City. Sa gitna ng putukan, isang buntis na kabuwanan na ang tinamaan ng bala.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang nasawing lalaki na si Gilbert Estabillo, residente ng Barangay 187 sa Tala, Caloocan.

Nasugatan naman matapos madamay at tamaan ng bala ang buntis na si Jennylyn Calimlim.  Ayon sa pulisya, isinugod siya sa ospital at isasailalim sa operasyon para maisilang ang sanggol sa kaniyang sinapupunan.

"Ang sabi ng tao ko sa ospital, kabuwanan na ngayon. Kaya ang sabi ng doktor isi-CS na raw siya ngayon," ayon kay Police Chief Inspector Antonio Naag-PCP-4.

Sa kuha ng CCTV ng barangay nitong Lunes ng umaga, nakunan si Estabillo na lumabas ng kalsada sa Sunflower Street, at biglang pinaputukan ng mga salarin na nakasuot ng helmet.

Nakatakbo pa ang biktima sa eskinita hanggang sa tuluyang mamatay dahil sa tinamong tama ng bala.

Ayon sa asawa ni Estabillo, wala siyang ibang makitang motibo sa pagpatay sa kaniyang mister kung hindi ang pagkakasama nito noon sa drug watchlist.

Napag-alaman naman mula sa mga opisyal ng barangay dati nang nabaril ang biktima dahil sa droga. -- FRJ, GMA News