Patay nang tamaan ng bala ng baril ang isang 13-anyos na batang lalaki habang naglalakad papuntang tindahan sa Tondo, Maynila nitong nakalipas na Biyernes ng gabi.
Sa ulat sa Balitanghali, nakilala ang bata na si Aldrin Pineda, taga-Barangay 101, District 1, Zone 8, Vitas, Katuparan, Tondo.
Ayon sa nanay ng bata na si Michelle, pinabili lamang niya ang kanyang anak sa tindahan at ilang minuto lamang paglabas nito ng bahay ay may narinig silang putok ng baril. Bumalik ang bata sa kanilang bahay na duguan at kalaunan ay binawian ng buhay.
Sa ulat, nakipaglaro si Aldrin sa ibang mga bata sa lugar sa may slaughter house. Sinabi ng mga kalaro ni Aldrin na may sumita sa kanila at pinailawan pa sila ng flashlight. ILang sandali ay pumutok nang baril.
Bukod sa mga guwardiya sa slaughter house, may naka-duty ding dalawang pulis sa lugar.
Naniniwala ang ina ng biktima na pulis ang nakapatay sa kanyang anak.
"Pulis talaga, wala nang iba. Pulis talaga. Pulis talaga gumawa sa anak ko, pulis, pulis," palahaw ni Michelle.
Ayon kay Michelle may mga nakakita na nakaputing T-shirt ang nagpaputok ng baril at aniya's mga pulis na nakaduty sa slaughter house ang nagsusuot ng puting dami.
"Dahil ang mga guwardiya hindi nagpuputi ng damit, orange 'yan. Pulis puting damit, 'yan ang ginagamit nilang madalas," dagdag ng naulilang ina.
Hindi pa pinapangalanan ng pulisya ang mga pulis na nakadetalye sa slaughter house.
Ayon kay Superintendent Jay Dimaandal, hepe ng Station 1 ng Manila Police District na nakasasakop sa lugar, sinabi ng mga pulis na dapat na naka-duty na wala sila sa lugar nang maganap ang insidente dahil may dinaluhan silang court hearing.
"So in-advise ko po 'yong mga pulis natin na kumuha sila ng court appearance para po mapatunayan at masabi nila na during that time wala pong naka-duty na pulis doon," ani Dimaandal.
Bukod sa mga pulis, isasailalim sa ballistic test ang armas ng mga guwardiya ng slaughter house. —ulat ni Katrina Son/ALG, GMA News
