Himalang nabuhay pa ang isang babae na 50 beses pinagsasaksak ng isang lalaki at tinangka pang gahasain sa loob ng kanyang bahay sa Quezon City noong Pebrero 16.
Kuwento ng babae sa GMA News, mag-isa lamang siya sa bahay noon nang kumatok ang suspek na si Michael Franco at kasama nitong si Luisito Gonzales sa kanilang bahay bandang alas-4 ng hapon.
Nagtanong si Franco kung pinapaupahan pa ang katabi nilang apartment.
Nang sabihin ng biktima na tawagan na lamang ang numero ng telepono na nakapaskil sa gate ng naturang apartment, nakiinom na lamang ng tubig ang mga suspek.
Puwersahan umanong pumasok ng bahay nila si Franco kaya tumakbo ang dalaga sa kanilang kusina at nagsisigaw upang marinig ng mga kapitbahay.
Sinundan siya ng suspek at tinangkang gahasain kaya lalo pa niyang nilakasan ang kanyang sigaw.
Dito na umano siya pinagsasaksak ni Franco gamit ang kutsilyo at tinidor.
Ayon sa biktima, sa 50 saksak na tinamo niya ay pinakamalalim ang sugat niya sa balikat at sa dibdib.
"Tumigil lang siya noong nagpatay-patayan ako," ayon sa biktima.
Kalalabas lamang ng biktima ng ospital, mga halos apat na linggo matapos maganap ang krimen.
Ayon sa biktima, nanood lamang si Gonzales habang paulit-ulit siyang sinasaksak ni Franco.
Naaresto rin ang suspek na si Franco sa mismong araw ng krimen at si Gonzales natiyempuhan ng mga pulis na naglalaro ng cara y cruz nitong Linggo.
May nakuhang patalim kay Gonzales, na tumangging kasama niyang binalak ang krimen.
Aniya, sinamahan lamang niya si Franco at nagsabi umano itong makikiinom ng tubig sa bahay ng biktima.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong frustrated murder. —ulat ni Athena Imperial/ALG, GMA News
