Nahuli ng mga pulis-Maynila ang 11 kabataan, walo sa kanila mga menor de edad, na humihithit ng marijuana sa footbridge ng Lacson Avenue sa Sampaloc area nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat ng "Unang Balita" sinabing na-monitor nga mga pulis, sa pamamagitan CCTV, ang pagkukumpulan ng mga kabataan na karamihan mga menor de edad sa footbridge na nasasakupan ng Barangay 435, Zone 44 ng Maynila.
Ayon sa mga awtoridad, tatlo sa 11 ay nasa legal age na.
Nagpulasan unamo agad ang grupo nang matunugan ang pag-akyat ng mga pulis sa footbridge. Pero hindi na nakatakas ang mga ito.
Pahayag ng hepe ng Sampaloc Police Station Drug Enforcement Team na si Police Senior Inspector Pidencio Saballo Jr, dakong alas-9 ng gabi nang makita nila ang kumpol ng kabataan na tila may kahina-hinalang ikinikilos.
Agad nilang pinagtuunan ng pansin ang grupo sa pamamagitan ng CCTV. At nang dumating ang mga pulis upang tingnan ang ginagawa ng mga bata, agad umanong nagpulasan ang mga ito.
"Pag-kayat pa lang ng mga pulis sa footbridge, agad nilang naamoy ang usok ng marijuana," pahayag ni Saballo.
Agad na hinuli ang 11 kabataan, kabilang ang walong menor de edad.
Narekober ng mga pulis ang isang plastic ng hinihinalang marijuana, dalawang tube at isang lighter.
Nang tanungin ng mga pulis kung ano ang ginawa nila, sinabi ng isang nahuli, "Yung iba nagchochongki po." Inamin din ng bata na humithit siya ng marijuana.
Umamin din umano ang isa pang suspek, at nang tanungin kung bakit siya tumira ng marijuana, ang sabi, "napasama lang po ako."
Mahaharap ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, ayon kay Saballo.
Samantala, ilalagay naman sa pangangalaga ng DSWD ang walong menor de edad. —LBG, GMA News
