Nitong mga nakalipas na araw, ilang insidente ng umano'y pagdukot at tangkang pagdukot sa mga bata ang naitala sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila ang kalapit na lalawigan. Pero ang pulisya, sinabi na wala pa silang nakikitang katibayan na magsasabing may sindikato sa likod ng mga naturang insidente.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing naglalaro lamang sa labas ng kanilang tahanan sa Pasig City nitong Huwebes nang tangkain daw na dukutin ni Romualdo Abalajon ang isang limang-taong-gulang na babae.
Napigilan daw ang tangkang pagdukot sa bata sa tulong ng isang kapit-bahay ng biktima.
"'Yung finile natin is alleged abduction dahil nagkaroon naman talaga ng paghawak doon sa bata at attempt na tangayin," sabi ni Police Superintendent Orlando Yebra. hepe ng Pasig police.
Pero mariing itinanggi ng suspek ang paratang sa kanya at iginiit na namamalimos lamang siya sa lugar.
"Namamalimos lamang po ako pero hindi po ako gumagawa ng masama," sabi ng mangiyak-ngiyak na si Abalajon.
Sabi sa ulat, may mga impormasyong kumalat sa social media na nakita raw si Abalajon na lulan ng isang van na kulay berde na nangunguha umano ng mga bata.
Ngunit ayon sa mga awtoridad, wala umano sa mga residente ang nakakita mismo sa sinasabing sasakyan sa lugar.
"Wala talagang nakakita nung actual na van na nakita doon sa lugar pero just the same chineck namin 'yung plate number at 'di siya nagma-match doon sa isang van," sabi ni Yebra.
Ilang kapit-bahay naman ng biktima ang aminadong wala silang alam sa mga usap-usapan na pagdukot sa mga bata sa kanilang lugar.
"Wala. 'Yan, kwento-kwento diyan," sabi ng isang residente.
"Walang ganon," dagdag pa ng isang kapit-bahay.
Sa lungsod naman ng Maynila, nahuli ang babaeng kinilalang si Mary Jane Marquez dahil sa tangkang pagtangay din daw sa isang bata sa Moriones, Tondo noong Marso 13.
Hinala ng mga awtoridad, baka may problema sa pag-iisip ang suspek o maaari ding miyembro ng sindikato.
"Di tayo pwedeng mag-speculate considering na kailangan natin nang mas matibay na ebidensya," sabi ni Police Superintendent Erwin Margarejo, tagapagsalita ng Manila Police Distict (MPD).
Nabawi naman ang bata mula kay Marquez.
Samantala, nagkaroon din ng usap-usapan tungkol sa mga nawawalang bata sa mga bayan ng Teresa at Morong sa Rizal.
Sa Teresa, naibalik naman daw ang mga bata sa kanilang mga magulang. Nawalay lang daw ang mga ito dahil pista noon sa lugar.
Wala namang natatanggap na ulat ang mga awtoridad ukol sa mga umano'y nadudukot na bata sa Morong.
Bagaman wala pang malinaw na ebidensiyang magtuturo na may sindikato na dumudukot sa mga bata, nagpaalala pa rin ang kapulisan sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak upang maiwasan ang mga insidente ng pagkawala ng mga anak.
"I am appealing to the public for their vigilance lalong-lalo na 'yung mga mothers, mga parents. Huwag niyong pabayaan ang mga anak niyo na gumagala-gala. Baka mamaya mawala na lang mga 'yan," sabi ni Director General Ronald dela Rosa, hepe ng Philippine National Police. -- Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA News
