Sinabi ni Senador JV Ejercito na posibleng magsama-sama ang mga re-electionist senators na tinawag niyang "The Force" sa pangangampanya para sa 2019 mid-term elections kapag hindi sila isinama sa senatorial slate ng administration party na PDP-Laban.
Sa pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni Ejercito na nakausap na niya ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Mayor Sara Duterte, na handa umanong bumuo ng coalition ticket ang itinayo niyang partido para sa mga re-electionist senators na katulad niya.
Ang tinutukoy na partido ni Ejercito ay ang Hugpong ng Pagbabago na pinamumunuan ng nakababatang Duterte.
“Nag-usap kami ni Mayor Inday Sara. Ang malinaw dun, kami po [re-electionist] very supportive with the President. Kaso parang ayaw sa amin ng PDP [Laban]," sabi ni Ejercito.
Nang linawin sa senador kung bukas si Sara sa pagbuo ng koalisyon sa mga re-electionist, sabi ni Ejercito, "Yes, she was."
Bukod sa kaniya, sinabi ni Ejercito na ang mga re-electionist senators na kabilang sa majority group sa Senado ay sina Cynthia Villar (Nacionalista Party), Sonny Angara (Laban ng Demokratiko ng Pilipino), Nancy Binay (United Nationalist Alliance), at Grace Poe (Independent).
Ayon kay Ejercito, sinuportahan ng kanilang grupo na "The Force" ang legislative agenda ni Pangulong Duterte.
Pero sa kabila ng pagsuporta sa liderato, hindi naman umano sila nababanggit sa listahan ng PDP-Laban na maaaring isama sa senatorial slate ng administrasyon.
Sa nakaraang mga pahayag ni Speaker Pantaleon Alvarez, isa sa mga pinuno ng PDP-Laban, wala siyang nabanggit na mga re-electionist senator sa kanilang senate slate, maliban sa kapwa niya lider sa partido na si Senate President Aquilino Pimentel III.
Sa darating na 2019 senatorial race, 12 kandidatong senador ang muling ihahalal ng mga botante.
“‘Yung re-electionists walang formal talks but we have a very good relationship with each other so chances are mukhang hindi na maghihiwalay ito," sabi ni Ejercito.
"Kung kami man ay tanggapin ng PDP as a coalition, we will be very thankful. If not, we will still continue to stick together. Magsasama sama kami,” dagdag niya.
Ayon pa kay Ejercito, handa rin umanong tumulong sa kanilang kandidatura ang mga senior senator na sina Majority Leader Vicente Sotto III at Senator Panfilo Lacson.
“What’s good about it even non-re-electionist senators Sotto and Ping have expressed support to the group. Senator Sotto already volunteered to be the campaign manager of The Force," sabi ni Ejercito.
"(Si Lacson) nagsabi lang siya na gusto niyang tumulong sa amin. That’s very encouraging coming from senior senators,” dagdag niya.
Nang hingan ng komento, sinabi ni Pimentel na walang pang pinal na listahan ng mga magiging kandidato ng administrasyon.-- FRJ, GMA News
