Malinaw ang tubig at napaliligiran ng mga bakawan, maituturing na tagong yaman ng Siargao ang Sugba Lagoon. Ngunit bakit kaya ito isinasara sa mga turista sa loob ng isang buwan kada taon?
Para mapuntahan ang dinadayong lagoon, sinabi ni Drew Arellano sa “Biyahe Ni Drew,” na isang oras ang biyahe mula sentro ng Siargao patungo sa Del Carmen, na kinaroroonan ng Sugba Lagoon.
Ilan sa mga pupuwedeng gawin sa Sugba Lagoon ang swimming at kayaking.
“Generally speaking, ‘yung Siargao, even though medyo nag-skyrocket na ‘yung popularity on social media, fairly manageable pa ‘yung mga turista, both foreign and local. This one (Sugba Lagoon) is still pretty new itong side na ‘to, hindi pa ganoon ka-commercialized, hindi pa ganoon kasikat,” ani Drew.
Gayunman, isinasara ang lugar sa mga turista na sakop sa buwan ng Enero at Pebrero para “makahinga” ang lagoon mula sa loob ng isang taon na pagtanggap ng mga bisita.
“Once a year talaga meron kaming nagko-close siya ng isang buwan. Para sa rehabilitation, para repair. Inaayos din ‘yung mga board, nililinis, lahat ng dapat ayusin, kasi ginagamit siya isang taon kaya kailangan mag-relax din siya mga one month para maayos lahat,” sabi ng isang tour guide.
Silipin sa “Biyahe ni Drew” ang ganda ng Sugba Lagoon. Panoorin ang video. – FRJ GMA News
