Nasawi ang isang babaeng siyam na taong gulang matapos siyang mabundol at masagasaan ng isang pampasaherong jeepney sa Cagayan de Oro City. Ang driver ng jeepney, sugatan matapos gulpihin ng mga galit na tao.

Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente malapit sa Cogon Public Market.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan umano ng preno ang jeepney at nahagip ang batang tumatawid.

Sa video footage, makikita ang ginawang pagkuyog ng mga galit na tao sa 47-anyos na driver habang nasa ilalim ng jeepney ang batang biktima.

Natigil lang ang pag-atake sa driver nang dumating na ang mga pulis.

Nang madala sa presinto ang driver, ang jeep naman niya ang napagbalingan ng galit ng mga tao at itinagilid.

Ayon kay Patrolman Christian Villalobos, imbestigador ng Traffic Enforcement Unit ng Cagayan de Oro City Police Office, inamin ng driver na bago pa man mangyari ang insidente, napansin na niya na may problema sa preno ang sasakyan at sinubukan niya itong ayusin.

Hindi nagbigay ng pahayag ang driver na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.

Samantala, iniuwi ng pamilya ang mga labi ng bata sa Lanao del Sur para ilibing. Inaasahang babalik din ang ama nito sa CDO para sampahan ng reklamo ang driver. – FRJ GMA News