Upang mapabilis at maging mas ligtas ang pagpunta ng mga turista at lokal patungo at pag-alis sa isla ng Boracay, planong lagyan ito ng tulay na magdudugtong sa mainland ng Panay. Pero ang naturang proyekto, tinututulan ng ilan. Kabilang ng mga bangkero na naghahatid ng mga pasahero sa isla dahil mawawalan umano sila ng kabuhayan. Dapat nga bang ituloy pa o hindi ang naturang plano? Alamin.
Sa isang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing karaniwang sumasakay sa Caticlan Jetty Port ang mga pasahero na pupunta sa Boracay, at nagbabayad ng P60. Ang biyahe sa dagat, tumatagal ng 10 hanggang 15 minuto.
Kamakailan lang, may ilang operator ng bangka ang nakitang nakasuot ng mga damit na may nakasulat na "No to Boracay Bridge," na nagpapahiwatig ng pagtutol sa plano na maglagay ng tulay na patungo sa mala-paraisong isla.
Ang ilang turista, suportado naman ang plano dahil mapapadali ang pagpunta ng mga tao sa isla.
“Para sa akin, bilang pumapasyal dito, pabor ako. Kasi para madali ‘yung pagpunta sa island,” sabi ng isang turista.
May nagpahayag din na kung mayroong tulay, hindi maaapektuhan ang pagpunta sa isla kahit masama ang panahon o malakas ang alon.
Ngunit ang iba, nagpahayag ng kanilang mga alalahanin tungkol sa magiging epekto nito.
“I don't think it's a good idea. It's gonna cause more traffic, more problems. That's part of the adventure here to come to Boracay is taking a boat. I'm totally against it, especially for the boat handlers and people like that,” sabi ng isa pang turista.
Kabilang sa mga tumututol sa proyekto ang mga bangkero.
Boracay Bridge
Iginawad ang proyekto na kilala bilang Boracay Bridge, sa San Miguel Holdings Corporation (SMHC) na tinatayang aabot ang halaga sa halos P8 bilyon. Ipatutupad ito sa pamamagitan ng Public-Private Partnership, kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
Aabot ng humigit-kumulang 2.54 kilometro ang planong tulay, na kabibilangan ng isang 1.14 kilometrong main bridge, tampok ang road lanes, pedestrian walkways, bicycle lanes at utility systems.
Ngunit para sa marami sa lokal na sektor ng transportasyon, nagbibigay ang proyekto ng mga alalahanin tungkol sa kanilang seguridad sa trabaho.
Si Leo Oczon Sr., na nasa ikatlong henerasyon na ng mga bangkero at 30 taon nang nagtatrabaho sa lugar, sinabing sa pagbabangka umaasa ang kaniyang pamilya.
“Malaking tulong ‘yung pagbabangka sa buhay namin kasi napaaral ko ‘yung anak ko,” sabi ni Oczon, na ipinaliwanag na nakadepende rin sa panahon ang kanilang kinikita,.
Maaaring direkta umanong makaapekto sa kaniyang kabuhayan ang pinaplanong tulay.
“Kaagaw mo na ‘yung tulay kung sakali. Okay lang kung ako lang mag-isa eh. Eh ‘yung pinapakain ko, pamilya ko. Mabigat sa loob. ‘Di ka nga halos makatulog. ‘Yan lang lagi ‘yung nasa isip mo,” sabi niya.
Nagpahayag din ng alalahanin ang samahan ng mga operator at mga bangkero na Caticlan-Boracay Transport Multi-Purpose Cooperative (CBTMPC). Ayon kay Godofredo Sadiasa, consultant at dating chairman ng CBTMPC, at isa ring operator ng bangka mula pa noong 1989, na ang pagbabangka sumusuporta sa mga pamilya ng kanilang miyembro, at pagbibigay ng mga trabaho sa iba.
“Talagang malaki ang kinatatakot namin kasi hindi naman negosyo itong mga bangka, hanapbuhay ito eh. Kung mawawala sa amin ‘yun, anong hanapbuhay nila?” saad niya.
Kinuwestiyon niya ang ilang ulat na maaaring magpataw ng toll fee sa tulay para mabawi ang ginastos ng mga pribadong kompanya sa itatayong proyekto.
“Sabi ko nga eh, kung halimbawa taga-Caticlan ako, may bitbit akong bisikleta, gusto kong magbisikleta sa tulay, eh kahit bisikleta magbabayad din eh. Anti-poor most likely, ‘yan ang opinion ko,” sabi ni Sadiasa.
Umusbong ang planong pagpapatayo ng tulay habang bumabawi pa lang ang mga bangketo mula sa mga ipinagtupad na pagbabago sa kanilang hanay.
Noong 2021, ipinag-utos ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang modernisasyon ng mga bangka, na kinailangan ng mga operator na palitan ang mga luma nilang sasakyang-pandagat na gawa sa kahoy, at gawing gawa sa fiberglass, aluminum, o bakal, na mas mahal ang halaga.
Kuwento ni Arlie Aron, isang may-ari ng bangka, ibinenta niya ang kaniyang minanang bangka at nangutang para sumunod sa programa ng modernisasyon.
“Binenta ko ‘yung bangka sa halagang P200,000 lang. Naiyak lang kami, nakita namin ‘yung bangka namin na pumapalayo,” sabi niya.
Dagdag pa niya, nangutang siya ng P6 milyon para bumili ng bagong bangka, ngunit isang buwan siyang pinatigil sa paglalayag dahil mali umano ang sukat ng kaniyang modernized boat.
“Talagang higpitan muna ng bulsa, walang trabaho, tambay lang sa bahay,” sabi ni Aron, na muling naglalakad ng kaniyang mga papeles.
Nakakuha naman ang CBTMPC ng mga pautang mula sa mga bangko para tulungan ang mga miyembro nito na makabili ng mga modernong bangka. Ayon kay Sadiasa, patuloy pa ring binabayaran ang mga ito at inaasahang sa 2031 pa matatapos.
Pangamba ng mga lokal
Samantala, nangangamba rin ang ilang pamilya sa Sitio Tabon Baybay na mawalan sila ng tirahan na tatamaan sa planong pagtatayo ng tulay sa kanilang lugar.
Sinabi ni Mary Jane Ignacio, isang residente, na naninirahan na sa lugar ang kaniyang pamilya sa loob ng maraming henerasyon.
“Lahat dito ng mga residente against sa project na ‘yan. Maaaring ma-demolish daw lahat ng mga residente rito. Kaya ‘yun nakakalungkot para sa amin,” sabi niya.
Nagpahayag din ng paninindigan ang mga lokal na opisyal laban sa proyekto.
Ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang Resolution No. 193-2025 na nagpapahayag ng "strong objection" sa proyekto, na sinundan pa ng mga karagdagang resolusyon noong Marso at Abril 2026 na nananawagan para sa transparency, matapos gawaran ang proyekto sa kabila ng pagtutol mula sa mga lokal na yunit ng pamahalaan.
Nagpahayag din ng mga alalahanin si dating vice governor at miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na si Atty. Reynaldo Quimpo, tungkol sa konsultasyon at proteksyon ng mga apektadong komunidad.
Mga potensyal na benepisyo
Sa kabila ng pagtutol, nakikita ng ilang sektor ang mga potensiyal na benepisyo ng Boracay Bridge.
Halimbawa na lamang na maaaring mapabuti nito ang transportasyon, mapataas ang turismo, at mas mabilis na access sa panahon ng mga emergency, lalo na kapag hindi posible ang paglalakbay sa dagat dulot ng masamang panahon.
Nanindigan naman ng DPWH na mahalagang proyekto ang tulay, kasabay ng pagtiyak ni DPWH Secretary Vince Dizon, na magkakaroon ng konsultasyon tungkol sa usapin at tutugunan ang mga pangamba ng maapektuhang mga tao.
“We are assuring the residents there and the stakeholders that whatever grievances they have and whatever their concerns, all of those concerns need to be addressed and all those concerns need to be satisfied,” sabi ng kalihim.
Dagdag pa niya, bahagi ng responsibilidad ng private partner na SMHC ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan.
Sa ngayon, wala pang itinakdang petsa ng konstruksyon sa proyekto. Pero batay sa mga dokumento tungkol dito, magsisimula lamang ito pagkatapos makumpleto ang mga kinakailangan sa right-of-way issue, at maaprubahan ang detalyadong disenyo. Inaasahang aabutin ng humigit-kumulang tatlong taon ang konstruksyon ng tulay.
Hindi pa naglalabas ng pahayag o obserbasyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) tungkol sa epekto ng proyekto sa kapaligiran.
Sinubukan ng KMJS na kunin ang panig ng dating acting mayor na si Abram Sualog, ngunit hindi pa siya sumasagot noong oras na mailabas ang ulat.
Humingi rin ang programa ng pahayag mula sa project grantee, ang San Miguel Holdings Corporation, na siyang magtatayo ng tulay. Tumugon sila sa liham, ngunit ipinasa ito sa Media Affairs ng San Miguel Corporation. Hindi pa sila sumasagot sa imbitasyon ng programa noong oras na inilabas ang ulat.— Carby Rose Basina/Jamil Santos/FRJ GMA News

