Sinagot ni Kris Lawrence ang tanong kung nagkakabalikan na ba sila ng dati niyang partner na si Katrina Halili. Ito kasi ang hinala ng netizens dahil na rin sa kanilang posts sa social media ng mga larawan na magkasama silang dalawa, pati na ang kanilang anak na si Katie.
“No, we have not. Hindi kami nagkabalikan, Tito Boy,” sabi ni Kris, sa guesting nila sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.
Sa kabila nito, malaki ang pasasalamat ni Kris na muli silang nagkaroon ni Katrina ng pagkakataon na magkasama, bagay na nakatulong sa kanilang anak na si Katie.
“But like I’ve said, I’m really, really grateful for this time that we have together because honestly, when we became okay this year 2026, Katie has been probably the best that I’ve seen her,” sabi ni Kris.
“Her smile has been more genuine. ‘Yung kilos niya, mas gumanda. You could just tell that she’s so much happier,” dagdag ng singer.
Ayon pa kay Kris, co-parenting sila ngayon ni Katrina para suportahan ang kanilang anak.
“We’re doing this all for Katie. Where the road leads, we don’t know. But at least it’s fun,” sabi niya.
Kinumusta rin ni Tito Boy sina Kris at Katrina tungkol sa kanilang El Nido trip kamakailan, na inilarawan ni Katrina na “reset of their friendship."
“Reset po ng friendship. Kasi parang first time namin mag-bonding noon,” sabi ni Katrina, na idinagdag na maikli at limitado lamang ang pagkikita nila noon ni Kris bago ito lumipad pa-United States.
“Ngayon, nag-uusap kami, magkasama kami talaga nang matagal,” patuloy niya.
Muling nagpaliwanag si Kris na natural at walang halong script ang usapan nila ni Katrina sa social media.
“It’s not scripted. Everything that is rolling is like reality,” sabi ng R&B singer.
Diretsahang tanong sa kanila ni Tito Boy, “Are you both single?”
“Yes po,” parehong tugon nina Katrina at Kris.
“Sa ngayon nag-e-enjoy lang kami sa company ng bawat isa,” dugtong ni Katrina.
Sa isang vlog noong Pebrero, sinabi ni Kris na bukas siya sa ideya na makipagbalikan kay Katrina kung single pa sila sa susunod na 10 taon.
Isinilang ni Katrina si Katie noong 2012. Dalawang taon matapos nito, naghiwalay sina Kris at Katrina.
Noong 2023, nagsalita si Katrina tungkol sa co-parenting setup nila ni Kris, kung saan sinabi niyang "mas OK kami as friends." – FRJ GMA News
