Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) ngayong Biyernes na kasama ang asawa at anak ni dating kongresista Mike Defensor, sa mga sinampahan nila ng reklamong human trafficking. Ang asawa ni Defensor, mariing itinanggi ang alegasyon laban sa kanila ng kaniyang anak.
Ayon sa NBI, inihain sa Pasig City Prosecutor's Office ang reklamong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nag-ugat ang pagsasampa ng reklamo sa ginawang pagsalakay ng mga operatiba ng NBI sa isang establisimyento sa Pasig City, na ayon kay NBI Director Melvin Matibag ay konektado sa isang hotel kung saan nagaganap umano ang sexual activities.
Sinabi ni Matibag, ang asawa ni Mike na si Julie, ang nagsisilbing presidente umano ng kompanyang nagmamay-ari ng hotel.
"Nakita namin 'yung establishment… connected 'yung hotel. Mayroon secret na passage papunta doon sa hotel. May transaksyon, kakausapin 'yung mga… parang manager 'yung tawag tapos magtatransaksyon," pahayag ni Matibag sa press conference.
"Kapag maayos 'yung transaksyon, aakyat sa hagdan sa likod, paakyat, diretso doon sa mga kuwarto na pinapalabas nila na hotel. And it so happened the hotel is owned by [a company] kung saan presidente 'yung asawa ni dating Congressman Mike Defensor," dagdag niya.
Samantala, bilang tugon sa tanong ng mga mamahayag, itinanggi ni Matibag na may motibong pulitikal ang pagsasampa ng reklamo. Iginiit niya na isinagawa ang operasyon matapos makatanggap sila ng impormasyon tungkol sa recruitment at exploitation umano sa mga kababaihan para sa sexual services sa lugar.
"That's the only time we discovered, when seeing the documents, eto pala, ang mga may-ari, 'yung asawa nga ni Mike Defensor at anak niya. So 'yung mga documents, revealed na sila 'yung may mga kinalaman dito," paliwanag niya.
"Siguro maganda sagutin lang nila dahil malinaw naman, the law is clear kung ano 'yung violation ng anti-human trafficking," dagdag niya.
Ayon sa NBI, nasagip sa naturang operasyon ng mga ahente ng NBI ang 54 na kababaihan na kalaunan ay ipinagkatiwala sa mga kinauukulang social welfare office.
Samantala, nakarekober din umano ang ahensya ng marked money, hinihinalang ilegal na droga, drug paraphernalia, at iba’t ibang dokumentong may kaugnayan sa ilegal na gawain.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang pahayag mula kay Mike Defensor.
'Political' attack
Samantala, naglabas naman ng pahayag si Julie at itinanggi niya ang mga alegasyon laban sa kanilang mag-ina.
"I am issuing this statement to categorically and forcefully deny the baseless, malicious allegations directed at me, my daughter, and our associated businesses," saad niya.
"Let me be absolutely clear regarding the recent NBI operation: we have absolutely no connection to the targeted establishment or its operations," dagdag ni Julie.
Iginiit ni Julie na isang “orchestrated smear campaign" ang akusasyon. Dahil din umano sa political attacks laban sa kanila, nasa 1,000 empleyado mula sa iba’t ibang kompanya ang nawalan ng trabaho.
"I address Atty. Matibag directly: If you have a political or personal grievance with Mike, have the courage to resolve it with him directly. Stop using me, our daughter, and hundreds of innocent, displaced workers as collateral damage in a dispute that has nothing to do with us," ayon kay Julie.
Itinanggi naman ni Matibag na may pulitikal na motibo sa ginawang rescue operation sa mga kababaihan sa establisimyento na sinalakay.
Matatandaan na inamin ni Mike na tinulungan niya ang mga nagpakilalang mga sundalo na lumantad kamakailan at sinabing may nalalaman sila tungkol sa umano'y paghahatid ng male-maletang pera sa ilang opisyal na may kaugnayan sa flood control projects. — Joahna Lei Casilao/FRJ GMA News
