Kabilang ang ilang overseas Filipino worker (OFW) na umuwi ng Pilipinas mula sa Kuwait ang dumagsa sa job fair na ginanap sa Pasay City. Pero hirap silang makahanap ng trabaho dahil bukod sa college graduates ang hinahanap, may age limit din.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, sinabing kabilang ang mga OFW na galing sa Kuwait sa mga nagbakasakali na makahanap ng trabaho sa Job and Business Fair na isinagawa ng Department of Labor at iba pang ahensya ng gobyerno na ginanap sa Cuneta Astrodome.

Ilan umano sa mga OFW ay isa o dalawang buwan nang walang trabaho mula nang makabalik sa bansa mula sa Kuwait kaya nagbakasakali siyang makahanap ng mapapasukan sa job fair para natustusan ang pangangailangan ng pamilya.

Pero ang ilan sa kanila, high school lang umano inabot kaya hindi kuwalipikado sa mga inaalok na trabaho na college graduate ang isa sa mga rekisitos.

Mayroon din naman umanong bakanteng trabaho para sa mga umabot sa high school gaya ng mga "cleaner" pero problema naman daw ang age limit na 21 hanggang 37, na ayon sa ulat ay ipinagbabawal na sa batas ang pagtatakda ng age requirement.

Mayroon din umanong naghihimok sa mga OFW na pumasok sa pagnenegosyo gaya ng pagbebenta ng make up pero P15,000 ang hinihinging puhunan.

Nag-aalok naman umano ng pagsasanay o training Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) pero hindi naman sila kaagad magkakaroon  ng trabaho.

Sinabi naman ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, na may mga trabaho naman na bakante pero job mismatch ang nagiging problema.

Gayunman, tiniyak niya na patuloy nilang tutulungan ang mga OFW para makahanap ng trabaho. -- FRJ, GMA News