Sa kaniyang misa sa Huwebes Santo, hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalatayang Katoliko, lalo na ang mga nasa kapangyarihan, na magnilay at mamuhay tulad ni Hesukristo na handang maglingkod sa Kaniyang mga tagasunod.

Walang tinukoy na pangalan, sinabi ni Tagle na tila na nalilibang ang mga lider ngayon sa kanilang kapangyarihan at wala na silang balak na bitiwan pa.

"Sa mundo natin ngayon, sanay na sanay tayo na may mukhang umaalis sa matayog na posisyon pero kapit-tuko pala, ayaw lumisan. Hindi ganyan si Hesus, handa Siyang lumisan dahil mahal Niya ang kaniyang mga alagad," pahayag ni Tagle sa kaniyang homily sa idinaos na misa.

"Kapag ikaw ay nasa taas na ayaw mo nang lumisan, lahat gagawin mo para manatili na diyan.. pero si Hesus hindi," dagdag ng Kardinal.

"Lumilisan si Hesus, binabago ni Hesus ang kalakaran... 'Lilisanin ko ang aking dangal, at kayo'y huhugasan ko ng paa,'" patuloy niya.

Paalala niya, ang paglisan ay simbulo ng pagmamahal at pagpaparaya.

"Ang hindi handa na umalis sa kaniyang sarili, hindi marunong magmahal. Ang pag-ibig walang katapusang paglisan," sabi ni Tagle. "Hindi dahil galit kung hindi dahil nagmamahal, sa kanilang pag-ibig, handa silang magpata ng dusa."

'Paghuhugas ng Paa'

Ginunita rin ngayong Huwebes ang paghuhugas ng paa na ginawa ni Hesukristo sa kaniyang 12 apostol. Ngayon taon, kabilang sa hinugasan ni Tagle ng paa ang mga taong napilitang lisanin ang kanilang bayan bilang pagtugon sa panawagan ni Pope Francis na suportahan ang mga taong inuusig.

"Bilang pagtugon sa paanyaya ni Hesus, bilang pagsunod din sa paanyaya ni Pope Francis, 'Share the journey...' Talk to them, listen to their stories at baka matuklasan natin hindi sila iba sa atin," sabi ni Tagle.

Ikinalungkot ni Tagle ang kalagayan ng mga taong napilitang lisanin ang kanilang mga bayan sa iba’t ibang panig ng mundo.

"Sixty-five million people nagkalat sa buong mundo... lumisan sa kanilang bayan, naging refugees, forced migrants, illegal migrants. Iba-iba ang dahilan, kahirapan, giyera, karahasan, lilisan sila," ayon kay Tagle.

"Kaya lamang po sa halip na sila ay samahan at igalang, sila ay pinagsasamantalahan pa. Hindi iyan ang gusto ni Hesus, ang gusto Niya ay samahan tayo sa ating paglisan tungo sa bagong buhay," dagdag ni Tagle.

Kabilang sa mga hinugasan ni Tagle ng paa ang mga magulang ni Joanna Demafelis, ang OFW na nasawi sa Kuwait, at si Father Chito Suganob, ang pari na kabilang sa mga binihag ng ISIS-inspired Maute group sa Marawi City noong nakaraang taon. --FRJ, GMA News