Lalaki, kritikal sa ospital matapos barilin sa ulo sa Velasquez St. Tondo Maynila. Ang insidente, na-huli cam! @dzbb pic.twitter.com/SbRrzzBSW5
— James Agustin (@_jamesJA) April 4, 2018
Nasa kritikal na kondisyon ang isang lalaki matapos barilin ito sa ulo sa Tondo, Maynila nitong Miyerkoles ng hapon, ayon sa report ni James Agustin ng Super Radyo dzBB.
Nakilala ang biktima na si Jomar Salvador, 25. Ang gunman naman ay nakilala bilang si Mark Onoda.
Ang insidente ng pamamaril ay na-huli cam.
Bago ang pamamaril, nakatambay lang sa kalsada ang biktima na nakitang tila pinaglalaruan ang isang baril habang kasama ang mga kaibigan, ayon sa ulat ni Mark Zambrano sa Balitanghali.
Lumapit ang suspek at kinausap ang biktima. Pagtalikod ng biktima, binaril na siya ng suspek.
Ayon sa kaibigan ng biktima na katabi niya nang siya ay binaril, walang ginawa ang kaibigan para ganunin ng suspek.
Sinabi rin nito na toy gun lamang ang hawak ni Salvador.
Pati raw ang dalawang saksi sa insidente ay tinutukan ng baril ng suspek nang subukan nilang tulungan ang biktima.
Ayon sa pamilya ng biktima, may utang na P3,500 ang ama ng biktima sa suspek na posibleng dahilan ng krimen.
Kilala raw na siga sa lugar si Onoda.
Kasalukuyang tinutugis ang suspek ng mga awtoridad. —BAP/KG, GMA News
