Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang head technician ng isang computer shop sa loob ng SM North Edsa sa Quezon City, na sumaksak at nakapatay sa kanilang kostumer na kukuha sana ng ipinagawang laptop. Ang malagim na insidente, nakunan ng CCTV camera.
(PAALALA, MASELAN ANG VIDEO)
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa surveillance video ng shop na nakikipagtalo ang nasawing kostumer na si Geroldo Ramon Querijero sa head technician ng shop na si Leo Laab, ng isang computer shop nitong Huwebes ng gabi.
Pinitik umano ni Querijero ang kamay ni Laab, na gumanti ng suntok. Nasundan naman ito ng pagbato ng biktima ng plastic na bote ng tubig sa suspek.
Maya-maya lang, kumuha na ng patalim ang suspek ang inundayan ng saksak ang biktima.
Makikita rin sa video na sinubukan ng ilang kasamahan sa shop na awatin ang suspek pero nagpatuloy pa rin ito sa pagsaksak sa biktima bago tumakas.
Nagawa naman ng duguang biktima na makalakad hanggang sa entrada ng shop bago napaupo. Doon na siya tinulungan na dalhin sa ospital pero binawian din ng buhay.
Nag-ugat daw ang pagtatalo ng dalawa nang kukunin na ni Querijero ang ipinagawang laptop pero hindi pumayag si Laab dahil hindi dala ng huli ang "job order" kahit may dalang resibo.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ni Police Chief Superintendent Guillermo Eleazar , QCPD Director, nagkataasan ng boses ang biktima at suspek.
Nagbitiw din umano ng salita ang biktima sa suspek na babalik siya na dala ang job order at isasampal sa huli.
Habang wala ang biktima, nagpunta naman daw ang suspek sa kalapit na hardware at bumili umano ng kutsilyo na ginamit sa krimen.
"Nu'ng lumabas ka at kumuha ka ng isang gamit na tool of the crime o evidence na 'yon ang ipangsasaksak mo, ibig sabihin na pinaplano mo talaga at hinintay mo siya para patayin," sabi ni Police Sr. Insp. Elmer Monsalve, hepe ng QCPD Homicide Section.
Ayon sa pulisya, tinawagan pa umano ang suspek ang misis na tila ipinahiwatig ang mangyayari.
Hustisya naman ang panawagan ng misis ni Querijero sa nangyari sa kaniyang asawa.
Sa pahayag, tiniyak ng pamunuan ng SM malls at computer shop na PC Home na nakikipagtulungan na sila sila sa imbestigasyon ng pulisya.-- FRJ, GMA News
