Nauwi sa disgrasya ang masayang salo-salo ng isang grupo ng mga kostumer sa loob ng isang restaurant sa Festival Mall sa Muntinlupa City nang lumusot at salpukin sila nang umatras na AUV na galing sa labas.
Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing siyam ang nasugatan sa naturang insidente na nangyari noong Linggo sa Gerry's Grill restaurant.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang mga biktima na magkakasamang nakaupo sa harap ng lamesa nang biglang sumulpok ang umatras na sasakyan at natumbok ang grupo.
Isang bata rin na nakuhanan din sa CCTV na tumatakbo sa loob ng restaurant nang nangyari ang insidente.
Ayon sa pamunuan ng Festival Mall, nagmamaniobra umano ang driver ng AUV nang maapakan nito ang silinyador ng sasakyan sa halip na preno.
Kasama umano sa mga nasaktan ang driver ng nakadisgrasyang sasakyan.
Maayos na raw ang kalagayan ng mga biktima na nagtamo ng minor injuries.
Sinabi naman ng pamunuan ng Gerry's Grill sa kanilang pahayag na nailabas na sa ospital ang mga sugatan.
Nakipag-areglo na rin daw sa kanila at sa mga nasugatan ang nakaaksidenteng driver.
Balik-operasyon na rin ang kainan matapos ang insidente.--FRJ, GMA News
