Hindi na nakalusot sa buy-bust operation nitong Huwebes ang "Magno brothers" na kilabot umanong tulak ng droga at suspek din daw sa ilang insidente ng pamamaril sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabi ng mga awtoridad na unang nasakote sa buy-bust operation si Carlo Magno pagkatapos daw na magbenta ng ilegal na droga na may halagang P2,000 sa pulis na nagpanggap na buyer.
"After ng buy-bust is nagkatakbuhan. Then nakuha natin sila sa loob then nakuha natin 'yung mga ebidensiya du'n sa loob," ayon kay Manila Police District (MPD) Station 7 Commander Superintendent Jerry Corpuz.
Sa loob bahay, inaresto rin sina Virgilio Magno, Danilo Magno-Manansala, Rosanna Magno-Odayat, Jelly Ann Nedroda, Jayson Odayat at isa pang menor de edad na ginagamit nila umano bilang drug runner.
Isa pang suspek na nakatakas ang hinahanap ng mga pulis.
Aabot sa P285,000 ang street value ng 29 na sachet ng hinihinalang shabu ang nakita ng pulis sa bahayng mga Magno.
May nakita rin na isang kalibre .45 na baril, mga bala at isang weighing scale.
Giit ng mga suspek, matagal na raw silang tumigil sa pagbenta ng droga.
"Matagal na kaming hindi nagtitinda...'Yung mga nagtitinda ru'n, sa'min pinapuputok lagi, kaya kami na-ano," ayon kay Danilo Magno-Manansala.
Mahaharap sila sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at sa illegal possession of firearms.
Ayon sa mga MPD Station 7, 2017 pa nang hainan ng search warrant sina Magno ngunit hindi ito nahuli.
Sila rin ang itinuturong suspek sa ilang insidente ng pamamaril sa kanilang lugar.
"Ang grupo nila meron na ring mga armas, may kapabilidad, at saka kanilang tinutumba 'yung mga kalaban nila sa droga at saka 'yung mga hindi nakapag-remit sa kanila," dagdag ni Superintendent Corpuz.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News
