Naiyak na lang sa matinding pagsisisi ang isang babae matapos siyang mahuli sa buy-bust operation at makuha sa kaniya ang mga droga na tinatayang nagkakahalaga ng P200,000 sa Maricaban, Pasay City.


 

Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing naaresto ng mga awtoridad si Irene Cornejo sa isinagawang operasyon dakong 10:00 p.m. nitong Huwebes.

Ayon kay Cornejo, nasa ospital ang kaniyang ina at kailangang operahan kaya pumayag siyang magtulak ng droga.

"May lumapit lang po sa akin na hiniraman ko ng pera, hindi naman ako pinahiram. Tapos iyan ang inalok sa akin. Kailangang kailangan ko po ang pera kaya kinagat ko na lang po," paliwanag niya.

Sinabi rin ni Cornejo na baguhan lang siya sa ilegal na bentahan ng droga.

Gayunman, tumanggi siyang ituro ang sinasabi niyang nagbigay sa kaniya ng ibebentang droga.

Nasa 50 gramo ng hinihinalang shabu ang nakuha mula sa suspek na may street value na P200,000.

"Nagsisisi po ako pero wala po akong magawa," sabi ni Cornejo.

Mahaharap siya sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News