Nakunan ng CCTV ang umano'y pagdukot sa isa sa siyam na kabataan na nawawala sa Pasay City.  Ang  22-anyos na biktima, isinakay ng mga lalaki sa van.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing limang araw nang nawawala ang biktimang si Sebastian Montoya.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang van na ginamit ng suspek na pumarada sa Villaruel Street. Bahagyang maaninag ang mukha ng ilan sa mga suspek habang hinihintay ang kanilang mga kasama.

Hindi nagtagal, dumating na ang ibang suspek na kasama ang biktima na kaagad nilang isinakay sa van at umalis.

Ayon sa tiyahin ni Montoya na si Emilita Gonzales, pinuntahan daw ng mga pulis ang biktima noong Oktubre at sinabing nasa drug watch list ito.

Kaya nang mawala ang biktima, sa mga kulungan at istasyon ng pulisya sila unang naghanap sa pagaakalang inaresto ito pero nabigo sila.

Nang magpunta sila sa Pasay police, sinabihan umano sila ng imbestigador na may posibilidad na pulis na nakasibilyan o PDEA agents, ang ng CCTV na huling kasama ng biktima.

Pakiusap ni Gonzales sa mga kumuha sa kaniyang pamangkin, ibalik na ito sa kanila o ituro man lang kung nasaan.

Bukod kay Montoya, may iba pang nawawalang kabataan na nasa edad 15 hanggang 22 ang pinaghahanap. Bumuo na ng task force ang Pasay police para tutukan ang kaso.

Mahigpit na ring ipinatutupad ang curfew sa lungsod.

Sa panayam ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, pito pa lang ang sinabi ni Police Colonel Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, na nawawala.

Ayon pa sa opisyal, tatlo sa mga nawawalan ay magkakaibigan.-- FRJ, GMA News