Mayorya ng mga Pinoy ang hindi pabor na palitan ng federalismo ang kasalukuyang sistema ng gobyerno, batay sa resulta ng Pulse Asia survey.
Sa survey na ginawa noong Marso 23 hanggang 28, lumitaw na 66 porsiyento ng mga tinanong ang tutol na palitan ang kasalukuyang sistema ng pamamahala sa gobyerno.
Sa naturang bilang, 36 porsiyento ang tutol sa pagpapalit ng sistema anumang panahon, habang 30 porsiyento ang tutol ngayon pero posibleng magbago ang isip sa ibang panahon.
Nasa edad 18 pataas ang 1,200 katao na tinanong survey na mayroong plus at minus 3 percent na margin of error margin.
Maging ang mga taga-Mindanao, mayorya ang nagpahayag nang hindi pagsang-ayon na gawing federalismo ang sistema ng gobyerno.
Isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte, at kaniyang mga kaalyado sa pangunguna nina Senate President Koko Pimentel at Speaker Pantaleon Alvarez ang pagbabago sa Saligang Batas para mapalitan ng federalismo ang sistema ng gobyerno.—FRJ, GMA News

