Nanindigan ang social action arm ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na hindi sila matatakot sa paglilingkod sa mga inaapi sa gitna ng panunupil ng pamahalaan.
Iginiit ni Father Edu Gariguez, executive secretary ng National Secretariat for Social Action, o NASSA, or Caritas Philippines na hindi kailanman matatakot ang anumang institusyon ng Simbahan na manindigan sa pagtulong at pagiging boses ng mga maliliit sa lipunan.
Aniya ang ganitong gawain ay tungkulin ng bawat Katoliko at Kristiyano.
“Hindi po kami matatakot patuloy kaming maninindigan na kahit na kami ay sinusupil ng pamahalaan ay patuloy naming gagampanan ang aming tungkulin, maka-propetang tungkulin upang magsalita para sa mga mahihirap at para sa mga inaapi…,”pahayag ni Fr. Edu sa Radyo Veritas.
Ilang linggo matapos tuluyang kanselahin ng Bureau of Immigration ang Missionary Visa ng 71-anyos na si Sr. Patricia Fox dahil sa alegasyong pakikisangkot sa partisan politics ay ikinabigla ng Simbahang Katolika ang pagpaslang kay Fr. Mark Anthony Ventura ng Archdiocese of Tuguegarao.
Si Ventura ay binaril ng hindi pa nakikilalang salarin matapos ang pinangunahang Misa sa Barangay Peña Weste sa bayan ng Gattaran Cagayan noong ika-29 ng Abril, 2018.
Dahil dito, binigyang-diin ni Fr. Gariguez na kinakailangang maintindihan ng pamahalaan na ang pagpanig at pagtulong sa mga mahihirap at mga naisasantabi sa lipunan ay bahagi ng prophetic mission ng mga Katoliko’t Kristyano mapa-Filipino man o anumang nasyonalidad tulad ng mga dayuhan na nakikisimpatya sa mga usaping panlipunan sa Pilipinas.
Paliwanag pa ni Fr. Gariguez, maaaring maituring na may bahid ng pulitika ang mga usaping panlipunan na kinukundina at kinasasangkutan ng mga magsasaka, katutubo at mga manggagawang sinusuportahan ni Fr. Ventura at ni Sister Fox ay hindi ito dapat na ituring na partisan politics sa halip ay bahagi ng moral at maka-Katolikong na tungkulin na nararapat gawin ng isang tunay na Kristyano’t Katoliko.
“May mga ibang legalidad na yan dyan sa deportation nayan, pero nakakahiya tayo na parang sinasabi natin na yung sa isang banda ito ay isang uri ng political pero may kasama ditong moral na paninindigan kasi yung pagpanig natin sa mga issue ng mga mahihirap at pagtuligsa sa mga maling nangyayari ay bahagi yun ng ating pananampalataya, hindi yun purely political, yun ay moral and lay ministerial, bahagi ng ating prophetic mission, yun ang kinakailangang maintindihan ng gobyernong ito…,”dagdag ni Fr. Edu.
Naunang binigyang diin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Mission na ang naturang pagsusulong at pagtatanggol sa mga naaapi sa lipunan ay isang tungkuling dapat na gampanan ng bawat Kristyano sa kabila ng anumang nasyonalidad na tinataglay ng bawat isa. —LBG, GMA News
