Isang 21-anyos na ina ang nakaratay ngayon sa pagamutan matapos pagsasaksakin ng 24 beses ng kaniyang bigong manliligaw.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil, babarilin sana ang biktimang si Reina Bea ng suspek na si Ricky Millete ngunit hindi pumutok ang kaniyang caliber .38 revolver.
Nangyari ang krimen sa labas mismo ng bahay ng biktima sa San Jose Del Monte, Bulacan nitong Sabado.
Lumalabas sa imbestigasyon na nagalit si Ricky nang malamang may ibang manliligaw na sinagot ang biktima.
"Baka raw mapunta ako sa iba, patayin niya na lang daw ako para walang makinabang," sabi ni Bea na nahihirapan pang huminga at magsalita.
Nananawagan si Bea ng tulong para mahanap at maaresto ang suspek.
"Salamat po, nabuhay pa ako para sa anak ko. Lumaban ako para sa kanya. Wala na siyang tatay. Ayoko siyang mawalan ng nanay," sabi ni Bea. —NB, GMA News
