Dahil sa pagtuloy na pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo, naghain ng petisyon ang mga jeepney operator para humirit ng dagdag-singil sa pamasahe. Bukod dito, may hinihingi rin silang taas-singil sa pasahe tuwing "rush hour" na mistulang surge rate.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing P2 ang hinihinging dagdag-singil sa pamasahe ng mga jeepney operator.

Kapag pinagbigyan ang naturang petisyon, magiging P10 na ang minimum fare sa jeepney mula sa kasalukuyang P8 para sa unang apat na kilometro.

Ang bawat susunod na kilometro, sisingilin naman ng P2.00 mula sa kasalukuyang P1.50.

Para sa mga aircon jeepney, magiging P12 ang minimum fare sa unang apat na kilometro, at P2 rin sa susunod na mga kilometro.

Maliban dito, nais ng mga jeepney operator na magkaroon sila ng surge pricing mechanism kapag "rush hours."

Sa petisyon, nakasaad na dapat na may dagdag pang P1 sa kanilang singil sa pamasahe sa unang kilometro mula 5:00 hanggang 8:00 a.m., at 5:00 hanggang 8:00 p.m.

Dahil dito, magkakahalaga ng P11 ang pamasahe sa nabanggit na "rush hours" sa mga non-aircon jeepney, at P13 naman sa aircon jeepneys.

Kabilang sa idinahilan ng jeepney operators sa kanilang hinihirit na fare hike ay ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo, pagtaas ng gastusin dahil sa Train Law, at gastusin sa jeepney modernization program.

Walang itinatakdang araw ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung kailan didinggin ang naturang petisyon.— FRJ, GMA News