Arestado ang isang lalaki at isang babae na nahuli pa sa akto ng pagbatak ng shabu matapos umano nila gawing drug den ang kuwarto ng motel na kanilang tinutuluyan sa Pagsanjan, Laguna.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa Balitanghali nitong Biyernes, kinilala ang mga suspek na sina Ryan Ochoa at Cinderella Tec, alyas "Cindy," na naaresto sa buy-bust operation.

Ikinasa ng pulisya ang operasyon matapos na may tumawag sa kanila tungkol sa 'di pangkaraniwang transaksyong nagaganap sa hotel.

Agad sumalakay ang mga operatiba sa kuwarto ng motel matapos makumpirma ng pulis na nagpanggap na buyer ang iligal na aktibidad.

Naaktuhan pa ang mga suspek na bumabatak ng droga, samantalang nagkalat ang mga drug paraphernalia sa loob ng C.R.

Matagal na umanong mino-monitor ng drug enforcement team ng Pagsanjan Police ang mga naarestong suspek dahil sa pagbubugaw at pagtutulak ng ilegal na droga.

Umamin si Cindy na gumagamit siya ng shabu, ngunit itinanggi niyang nagtutulak siya.

Sabi pa ng babaeng suspek, pinagkakautangan niya ang ginagamit na kuwarto kaya mahigit dalawang linggo na siyang nananatili sa motel.

"Inaamin ko po gumagamit po ako dito pero hindi ko po alam yan, sir. Hindi ho talaga ako nagtutulak," sabi ni Cindy.

Iginiit din ni Ryan na hindi siya tulak pero asset siya ng pulis.

"'Yang si Cindy, pinapatrabaho sa akin yan. Ako asset ng pulis! Ako hinuli, walang mahuli eh. Eh so nagtutulak daw ako," sabi ni Ryan.

Halos P20,000 ang halaga ng umano'y shabu na nakuha mula sa kanila, at mahaharap sila sa kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act. — Jamil Santos/MDM, GMA News