Arestado ang 10 drug suspects sa ikinasang buy-bust operation sa Panday Pira Extension Tondo sa Maynila nitong Biyernes ng gabi.

Target ng operasyon ang mag-live-in partner na sina Jomar Llañes at Arlene Florez na may-ari ng barong-barong na ginagawa umanong drug den, ayon sa ulat ng GMA News nitong Sabado.

Pahayag ni Police Chief Inspector William Sagmayao, deputy station commander ng Abad Santos Police Station, nakatanggap sila ng impormasyon na ginagawang pasugalan, bentahan, at puwestuhan ng mga gumagamit ng shabu, ang barong-barong.

Dalawang linggo rin aniya nila ito isinailalim sa surveillance hanggang sa makumpirma ang ulat.

Nabilhan umano ng mga pilis ng P300 halaga ng shabu sina Llañes at Florez.

Naabutan pa sa lugar ang walong ibang suspek na gumagamit umano ng shabu.

Umamin si Florez na pinapwepwestuhan nila ang barong-barong sa halagang P20.

Nakumpiska ng mga awtoridad ang 15 sachets ng hinihinalang shabu na may street value na P7,500 at mga drug paraphernalia mula sa mga suspek.

Ang suspek na kinilalang si George Valencia ay nakuhanan ng calibre .38 revolver na kargado ng mga bala.

Itinanggi niyang sa kanya ang baril.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang may karagdagang kaso si Valencia na paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —LBG, GMA News