Nasagip ang isang matandang lalaking naipit sa sunog sa Old Fishport Road, Barangay NBBS sa Navotas ng mga residente at bumbero na rumesponde sa naturang aksidente nitong Lunes.

Pinagtulong-tulongan ng mga residente na maidaan ang lalaki sa bubungan ng barangay dahil sa sikip ng mga eskinita doon, ayon sa ulat nitong Martes sa Unang Balita.

Nagsimula ang sunog na halos nagpahamak sa buhay ng lalaki sa isang away na nangyari sa looban bandang alas-siyete ng gabi.

Sinabi ng mga nasunugan na nag-away ang mga hindi pa nakikilalang mga katauhan hanggang may naghagis sa kanila ng kalan na pinagmulan ng sunog.

Dahil sa makipot na mga daanan, natagalan ang pag-apula ng apoy na siyang tumagal hanggang halos alas-diyes ng gabi. —Rie Takumi/KG, GMA News