Nais ng Light Rail Manila Corp. (LRMC), ang namamahala sa Light Rail Transit Line 1 (LRT1), na magtaas ng singil sa kanilang pamasahe na aabot sa P5 hanggang P7.
Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni LRMC president and CEO Juan Alfonso, na noong Marso pa sila nag-aplay para sa dagdag-singil sa pamasahe sa Department of Transportation.
Sa ilalim ng concession agreement sa pamahalaan, maaaring magpatupad ng dagdag-singil sa pasahe ang LRMC ng 10 porsiyento tuwing ikalawang taon.
Sinasabing 2015 pa nang huling magtaas ng singil sa pasahe ang LRT1, na tumatakbo mula sa Baclaran hanggang Roosevel.
Sa ngayon, nagkakahalaga ang pasahe sa LRT1 ng P15, P20, P30 per trip, depende sa layo ng destinasyon.
Nais ng LRMC na maipatupad ang dagdag-singil sa pasahe sa Agosto 1.
Ang dagdag-singil sa pamasahe ay para umano mahabol ang ipinasok nilang puhunan sa mga isinagawang pagpapahusay sa pasilidad ng LRT-1 sa nakalipas na tatlong taon.
Mula 2015, umabot na umano ang kanilang capital investments sa LRT1 sa P7 bilyon, ayon sa LRMC.
"If the fare increase is not granted... under the concession agreement, government ang magsa-subsidize... if hindi, may dispute resolution measure kami. I think the agreement is very clear," sabi ni Alfonso.
"I think we’re trusting na masusunod ang process based sa contract namin," dagdag niya.
Naniniwala rin si Alfonso na handa ang publiko na magbayad basta mahusay na serbisyo.
"Lahat ng improvements namin may cost. And I think people are willing to pay for good service. With increased trips, safer, comfort and very good experience, people are willing to pay for that," saad niya.— FRJ, GMA News
