Ayaw na umanong pansinin ng bagong Senate President na si Vicente "Tito" Sotto III ang mga taong hindi siya siniseryoso at ang mga walang kabuluhang kritisismo matapos niyang makuha ang pinakamataas na posisyon sa Senado.
“I would like to remain positive especially now that I’m the Senate President. I no longer want to pay attention to distractions, I’d rather call them distractions. I rather focus on my job kasi ‘yung silly accusations ay reaction to public figures. I would like to focus on my job,” sabi ni Sotto sa isang media forum nitong Huwebes.
Iniisip na rin lang umano ni Sotto na papuri ang pagtingin sa kaniya ng ibang tao bilang komedyante pa rin.
“Ganun pala kami kagaling na aktor at comedian, hindi sila naka-move on. That’s how effective we were, from 1973 to present, 'Escalera Brothers' and all. Ganun katindi ang pagkakatatak sa kanila,” patungkol ni Sotto sa kanilang karakter noon sa TV series na "Iskul Bukol" na naging pelikula rin.
Giit niya, hindi madaling magpatawa ng mga tao.
“It’s not that easy, the people who say that I’m just a comedian, hindi madaling magpasaya ng tao. Subukan nila, kaya kaya nila?” saad ng lider ng baging Senate President.
Sa mga hindi umano nakakaalam, pinakikinabangan ng ngayon ng publiko ang 160 batas na kaniyang iniakda at naging isponsor siya.
“Actually it is a compliment, I think I should treat it as a compliment. My records would speak for itself. Andaming me kaso sa family court hindi nila alam na ako ang author ng Family Court Law. ‘Yung Seatbelt Law, kapag may nahuhuli sa droga at nababawasan ang problem sa drug abuse. Eh alam ba nila na ako ang principal author nun,” paliwanag niya.— FRJ, GMA News
