Nahiya na lamang sa sarili at mangiyak-ngiyak pa ang isang lalaki nang iparada sa palengke sa Tanauan City, Batangas, matapos maaresto dahil sa pagpapanggap na empleyado ng bangko para makapambudol ng mga tindero.

Sa ulat ni Bam Alegre sa News To Go nitong Martes, kinilala ang suspek na si Philovan Reales, na ipinarada noong hapon ng Mayo 25.

Habang nagmamartsa, may nakadikit pang papel sa kaniyang dibdib kung saan nakasulat ang mga salitang "Ako'y budol budol wag tularan."

Sinubukan niyang humingi ng paumanhin, ngunit hindi siya pinagbigyan ng mga tauhan ng city hall.

Ilang reklamo na rin ang natatanggap ng city hall tungkol sa modus ni Reales, ayon kay Tanauan City Mayor Antonio Halili.

Ayon sa mga tindero, magpapanggap na empleyado ng bangko si Reales at manghihingi ng pera, at mangangako na tutulungan silang maka-utang sa bangko bilang kapalit.

"Kailangan ng pera, nanghingi dahil kailangan ng income tax return, at pagkatapos niyang mag-submit ng income tax return, babalik na naman, kulang pa pala 'yung requirement. So pabalik-balik at tuwing babalik, nanghihingi ng pera", sabi ni Mayor Halili.

Idineretso na si Reales sa presinto matapos ang kaniyang "walk of shame," at mahaharap sa kasong estafa.

Kilala ang Tanauan sa pagpaparada ng mga naarestong suspek.

Ipinarada rin noong nakaraang taon ang isang mag-asawang sangkot umano sa investment scam.

Mayo 2016 naman nang iparada ang mga drug suspect sa lungsod, at tinawag na Flores de Pusher.

Trabaho umano ni Halili na ipaalam sa mga kababayan niya kung sino ang mga dapat iwasan.

"Trabaho ko rin naman na ipagbigay-alam sa mga kababayan ko 'yung mga tao na dapat nilang iwasan dahil ginagawa ko ito dahil marami na talagang nanloloko dito eh," sabi ng mayor.

Dati nang tinutulan ng Commission on Human Rights ang ginagawang pag-walk of shame ng Tanauan LGU. — Jamil Santos/MDM, GMA News