Sa kulungan ang bagsak ng isang construction worker sa Meycauyan, Bulacan, matapos niyang gahasain umano ang 18-anyos na babae na nagtanong sa kaniya kung saan makakabili ng sim card. Samantala, dalawang lalaki ang arestado rin dahil sa panggagahasa.

Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang suspek na si Romuel Hidalgo.

Sinabing nagtanong ang biktima kay Hidalgo kung saan makakabili ng sim card, ngunit sa halip na ituro ang tindahan, dinala ni Hidalgo ang biktima sa kaniyang bahay at doon ginahasa.

Nakapagsumbong agad ang biktima kaya nadakip ang suspek.

"Dapat po sa inyo makulong kasi dapat hindi niyo 'yon nagawa sir," sabi ng biktima, na nanginginig pa sa trauma at hirap maglakad.

Kalunos-lunos din ang sinapit ng isang 22-anyos na babae na tadtad ng sugat sa braso, tuhod at paa nang gahasain umano ng pinsan ng kaniyang asawa.

Agad naaresto ang suspek na kinilalang si Archie Velasco, na umamin sa krimen.

"Pagkatapos niya po akong hatakin dito, pinagsusuntok niya po ako sa ulo tapos nu'ng nagsisisigaw po ako ng tulong, sinuntok niya pa po ako dito sa panga po. Sinikmuraan niya po ako. Doon na po ako nanghina, hindi na po ako makapagsalita," sabi ng biktima.

"Nadala lang po sa alak sir," sabi ni Velasco.

Arestado rin ang number one most wanted ng Meycauayan dahil sa kasong gang rape sa isang hiwalay na operasyon.

Siya umano ang unang nang-abuso sa kaklaseng grade 7 sa gitna ng inuman sa kanilang bahay.

Mahigit isang taon nagtago ang menor de edad na suspek.

"Magpapakalayo-layo ako, patawarin mo lang ako," sabi ng suspek.

"Kaibigan ko po sila eh, tapos ginawa nila sa akin 'yun. Gusto ko pong bigyan ng hustisya ang nangyari po sa akin," sabi ng biktima.

Sermon ang inabot ng mga naarestong suspek mula sa pulisya.

"Kawawa sila. Tingnan mo itong isa, hindi na makalakad. 'Yung isa naman napakabata, tinarget niyo. Pagdusahan niyo 'yung dapat niyong pagdusahan dahil ginawa niyo 'yan," sabi ni PSupt. Santos Mera.

Sinampahan na ng kasong rape ang mga naaresto.

"Huwag kaagad magtitiwala at sasama-sama kahit kanino. Sa mga magulang, atin pong tandaan ingatan po natin ang ating mga anak, babae man o lalaki para hindi magkaroon ng disgrasya," sabi pa ni Mera. —NB, GMA News