Tatlong hinihinalang tulak ng shabu ang naaresto sa isang buy-bust operation sa Quezon City bago mag-hatinggabi nitong Lunes, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.
Arestado si Carlos Africa na nakikipagtransakson habang nagre-repack ng shabu naman ang kanyang kapitbahay na si Edgardo Abella at live-in partner nitong si Janice Mebrano.
Ayon kay Africa, nagbebenta raw sila ng shabu upang makakain, habang sinabi naman ni Abella na minsan lang silang nagbebenta.
Natunton ang tatlo matapos ang hiwalay na anti-drugs operation sa isang mall sa Cubao noong tanghali ng Linggo, kung saan naaresto naman ang isang suspek na nagturo kay Africa bilang source ng droga.
Maliban sa droga, nakumpiska mula sa suspek ang isang .22 kalibre na baril.
Iniimbestigahan ngayon ng pulis ang posibilidad na ginagamit ng mga suspek ang palit-droga modus, kung saan pwedeng gamitan ang baril na pamalit sa droga kung walang pera ang buyer. —Rie Takumi/KBK, GMA News
