Patay ang isang babaeng dati nang nabilanggo sa kasong pagnanakaw matapos siyang pagbabarilin habang nakatambay sa labas ng isang kainan sa Batangas City, Batangas.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Lou Stewart, na naisugod pa sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bumaba ang mga hindi pa matukoy na salarin mula sa sinasakyang kotse at pinagbabaril ang biktima.
Tinitingnan ang anggulong paghihiganti, dahil na rin sa pagnanakaw umano ng biktima.
Nakahelmet pa, ngunit nakadapa sa kalsada at wala nang buhay nang matagpuan ng mga residente ang isang rider sa Ormoc, Leyte.
Kinilala ang biktima na si Christopher Dumalan, na nagtamo ng mga tama sa iba't-ibang bahagi ng katawan.
Wala ang kaniyang motorsiklo sa crime scene.
Sinabi ng mga pulis na dati nang sumuko sa Oplan Tokhang ang biktima, at isa ring anak ng kapapanalo lang na barangay captain.
Patuloy ang imbestigasyon sa motibo sa krimen.
Samantala sa Pasuquin, Ilocos Norte, sugatan ang dalawang nakaangkas sa motorsiklo nang barilin umano sila ng kanilang nakaalitan sa kalsada.
Kinilala ang mga biktima na sina John Lord Abion at Herman Acoba.
Sa kuha ng CCTV, natukoy ng mga awtoridad ang namaril na si Jeremy Magaoay. Dinakip sa Magaoay sa ginawang followup operation.
Umamin ang suspek sa krimen, na nahaharap sa frustrated murder.
"Napilitan lang ako kasi hahabulin daw ako. Hindi ko naman alam kung anong gagawin nila sa akin kaya bumaba na lang ako, pinutukan ko na lang sir," sabi ni Magaoay. —Jamil Santos/NB, GMA News
