Ikinasal na si Paolo Benjamin ng Ben&Ben sa kaniyang non-showbiz girlfriend na si Rachel Arcilla.

Sa post sa Instagram ng Mayad Studios, makikita si Paolo na suot ang isang puting tuxedo at itim na trousers, habang suot naman ni Rachel ang isang eleganteng strapless na gown.

Ikinasal ang couple sa isang seremonya sa Chapel on the Hill sa Batulao, Batangas, at ginanap ang reception sa sikat na Antonio’s sa Tagaytay.

Kabilang sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa mga ninong at ninang sa kasal.

May pasilip si Dingdong sa Instagram tungkol sa wedding ceremony nina Paolo at Rachel, hanggang sa reception.

Nagbiro naman si Dingdong tungkol sa bago nilang role ng kaniyang asawa na si Marian, bilang mga ninong at ninang na ngayon.

"Hard launch: entering the ninong & ninang era," caption ni Dingdong na may kasamang silly face emoji.

"Paolo & Rachel — each other’s gift. Each other’s grace. Congratulations to our inaanaks," sabi pa niya.

 



Inanunsyo ni Paolo ang engagement niya kay Rachel noong Enero 2025.

Sa ika-apat nilang anibersaryo noong Disyembre 2025, sinabi ni Paolo kay Rachel, "Can’t wait to marry you!”

Si Paolo ay isa sa mga bokalista ng Ben&Ben kasama ang kaniyang kakambal na si Miguel. Sila ang mga hurado sa nakaraang season ng "The Voice Kids," na host naman si Dingdong.

 

 

-- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News