Isang 24-anyos ang namatay matapos siyang suntukin ng isang lasing noong madaling araw ng Biyernes sa Pasig.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras", inamin ng suspect na si Mark Jason Buena na nakantiyawan lang siya ng kanyang barkada na saktan ang biktimang si Andro Jose Leonardo.
"Sinuntok ko po pero wala pong may gusto na makapatay ako," sabi ni Buena, matapos siyang maaresto.
Bakit mo naman sinuntok?
"Nakantiyawan ako ng tropa ko. Sobrang kalasingan ko rin," dagdag pa niya.
Sinasabing bumagsak si Leonardo sa kalsada at humampas ang ulo matapos siyang suntukin ng suspect.
Makikita sa CCTV na nakapag-bisikleta pa ang biktima papunta sa isang kainan matapos ang insidente.
Ngunit hindi na niya nagalaw ang pagkain sa mesa.
Ilang oras umalis sa kainan, binawian ang buhay ang biktima.
"Walang kahalaga-halaga yung pagkamatay niya. Bakit ganoon lang?" sabi ng ama ng biktima.
Kakasuhan ng murder ang suspect. —NB/JST, GMA News
