Patay ang isang lalaki na sinasabing tulak ng ilegal na droga sa Tondo, Maynila nang manlaban daw sa mga pulis. Samantala, isang jeepney driver naman ang pinagbabaril sa loob ng isang bahay na ginagamit umanong drug den.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang nasawing suspek na si Daniel Menson, na napatay sa isang madilim na compound sa New Antipolo Street dakong 1 a.m.
Isang police asset ang nakipagtransaksyon umano kay Menson, at kaagad na kumilos ang mga operatiba nang magpositibo ang isinagawang buy-bust operation.
Pero nakahalata umano ang suspek at nanlaban kaya napilitan ang mga pulis na gumanti ng putok kaya napatay si Menson.
Nakuha sa suspek ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.
Samantala sa Perla Street, Brgy. 75, sa Tondo, patay naman ang jeepney driver na si Angelito Samonte nang pasukin siya sa bahay na ginagawa umanong drug den at pinagbabaril ng hindi pa nakilalang salarin.
May nakita umanong sachet at shabu paraphernalia sa pinangyarihan ng krimen.
Nakatakas naman ang isang alyas Tonton na kasama umanong pumasok ng biktima sa bahay.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
