Arestado ang isang professional guitarist na nanghalay daw ng isang menor de edad sa loob ng anim na taon sa Sta. Rosa, Laguna.

Ang pangaabusong ito, nagbunga raw ng isang batang babae.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras nitong Martes, kinilala ang suspek bilang si Jerome Rico.

Nasakote ng mga awtoridad si Rico sa isang condominium unit kung saan positibo rin siyang itinuro ng biktima.

Ayon sa biktima, nagsimula raw ang pang-aabuso sa kanya noong 11-anyos pa lamang siya at tuwing natutulog siya sa bahay ng kanyang pinsan na kalauna'y naging asawa ni Rico.

Hindi raw siya agad nakapagsumbong sa pulisya dahil tinatakot siya ng suspek.

Sabi ng biktima, kinupkop naman ni Rico ang naging anak nila.

Noong una raw ay pinapayagan siya nito na madalaw ang bata subalit nitong huli ay hindi na siya pinayagan kaya't nagpasya na siyang humingi ng saklolo mula sa pulisya.

Mariin namang itinanggi ni Rico ang mga paratang sa kanya. Giit niya, wala siyang kapasidad para magkaroon ng supling.

"'Yung mga anak namin are all adopted. Wala po akong capability na magkaron ng anak talaga. Handa po akong magpa-DNA," saad ni Rico.

Nahaharap si Rico sa kasong rape through sexual assault.

Paalala naman ng awtoridad sa mga kababaihang biktima ng pang-aabuso, isuplong ang sinumang sangkot sa krimen laban sa kanila.

"Ang situation nito, hindi po basta-basta at dapat pong aksyunan. Isumbong niyo lang po agad dito sa Sta. Rosa police," sabi ni Superintendent Eugene Orate, hepe ng Sta. Rosa police. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News