Patay ang isang-taong gulang na batang lalaki sa Dipolog, Zamboanga del Norte dahil sa pagmamaltrato umano ng mag-live-in partner na nagsilbing tagapag-alaga nito habang nasa Maynila ang kanyang magulang.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa Balitanghali nitong Sabado, makikitang tadtad ng paso at pasa ang katawan ni Vince Amorganda nang dalhin ito sa morge.
Dinala ang sugatang bata sa ospital ngunit binawian ito ng buhay pagkalipas ng ilang oras.
Ayon sa doktor, nasawi si Vince dahil sa namuong dugo sa kanyang ulo.
Kaagad inaresto ng mga awtordidad ang mga tagapag-alaga niyang sina Edmarie Amorganda at Pablito Magsayo.
Kwento ni Magsayo sa GMA News, baka raw nagtamo ng paso ang bata dahil binuhusan ito ng mainit na tubig.
Nang tanungin ito kung saan galing ang mga sugat ni Vince, sinabi nito na naihagis ang bata sa bubong bago siya dinala sa ospital.
"Ewan, baka 'yan ang 'yung inihagis nila sa bubong...inihagis kasi 'yan sa bubong," sabi ng suspek.
"Kinuha namin doon. Sa amin sana namin gagamutin pero hindi kakayanin. Inakala kasi namin na-lagnat lang," dagdag nito. — Margaret Claire Layug/MDM, GMA News
