Arestado ang isang lalaking nagpanggap bilang isang heneral sa General Mariano Alvarez, Cavite nitong Lunes.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras, kinilala ang suspek bilang si Aniceto Basa, 56, na sangkot umano sa kasong extortion at swindling.

"Magpapakilala kasi sila na high-ranking officer, magrerecruit ng informants o agents, maniningil sa mga agents ng allegedly membership fee then magiissue sila ng ID ng CIS (Criminal Investigation Service), CIDG (Criminal Investigation and Detection Group)," sabi ni Superintendent Lawrence Cajipe, hepe ng CIDG-Region IV-A.

Nakumpiska mula kay Basa ang ilang ebidensya ng kanyang pagpapanggap gaya ng pang-opisyal na pershing style cap, police-camou green upper garment, CIDG police jacket, mga ID, at mission order.

Nakuha rin mula sa suspek ang dalawang kalibre .45, mga bala, ilang shoulder board kung saan nakatahi ang one-star general rank insignia at ilang pekeng gold bars.

Sabi ni Cajipe, ginagamit ni Basa ang gold bars upang makakuha ng financier para sa kanyang mga iligal na transaksyon.

"Isa 'yun sa pinanghihikayat nila na maghahanap ng financier for mining... I mean treaure hunting using 'yung gold bar pero actually hindi naman gold bar 'yun," saad ni Cajipe.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek hinggil sa kinasasangkutang krimen.

Nagpaalala naman ang CIDG sa publiko na maging maingat sa mga transaksyon at siguraduhing konektado sa Camp Crame ang kinakausap na opisyal upang hindi mabiktima ng ganitong modus. —Anna Felicio Bajo/NB, GMA News