Sa ika-sampung beses, nasagip ng mga tauhan ng Barangay Bahay Toro ng Quezon City noong Martes ng gabi ang dalawa sa tatlong mga batang babae na nagtitinda ng sampaguita sa daan.
Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Miyerkoles, kinilala ang tatlo sa tawag na alyas Lyza, 7; Jackie, 6; at isang 17-anyos, na nasagip mula sa pagbebenta ng sampaguita sa may Congressional Road, sa panulukan ng Mindanao Avenue.
Ayon sa ulat, nag-viral noong nakaraang taon ang video ni Lyza na nakatulog sa center island at hawak-hawak ang sampaguita.
Ilang beses na raw na nasagip ang mga bata pero bumabalik pa rin ang mga ito sa pagtitinda kahit nangako ang mga magulang nila na hindi na sila pagtitindahin, pahayag ni Connie Mallillin, tagapangulo ng Brgy. Bahay Toro Violence Against Women and Children.
Sina Lyza at Jackie ay maka-sampung beses na umanong nasagip simula pa noong nakaraang taon, ayon kay Connie.
Ngunit ayon sa mga magulang wala daw silang magawa dahil wala silang ibang mapagkakakitaan.
Itu-turn over sa Social Service Development Department ng DSWD ang tatlong menor de edad. —LBG, GMA News
