Arestado ang isang Sangguniang Kabataan kagawad at isa pang 17-anyos na menor de edad matapos nilang halinhinang gahasain umano ang 16-anyos na dalagita na nakilala lang nila sa Facebook at inaya sa inuman sa Malolos, Bulacan.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa Unang Balita, kinilala ang SK kagawad na si Christian Castro, 21-anyos.
Naaresto ang dalawang suspek sa kanilang mga bahay nitong Miyerkoles, samantalang kasalukuyang pinaghahanap ang dalawa pang suspek na sina Mark Anthony dela Cruz at Feliciano Hubia.
Kuwento ni Castro, nag-inuman sila ng dalagita sa bahay ng kaibigan sa Barangay Ligas noong Hulyo 3.
"Inaya ko po talaga siya uminom. Para makipagkilala lang po.. Sana po liligawan ko din po sana," sabi ni Castro.
Nagkayayaan silang umuwi na bandang 11 p.m. ngunit iba't ibang address ang itinuturo ng biktima, kaya hindi malaman ng grupo kung saan ito ihahatid.
Dahil dito, dinala na lang nila ang babae sa isang abandonadong apartment, at doon na nila halinhinang ginahasa umano.
Ngunit tumanggi ang SK Kagawad na may plano silang pagsamantalahan ang babae.
"Hindi naman po namin ni-rape eh. Bale po hanggang hawak-hawak lang po ginawa namin... Dala lang po ng alak," ani Castro.
Nang magtagal pa sa presinto, itinanggi na ni Castro ang anumang partisipasyon sa nangyari.
"Basta wala po akong ginawa, hindi po ako ganu'n."
Nang tanungin si Castro kung nang-rape din ang kaniyang mga kasama, "Hindi ko rin po alam kasi madilim po 'yung lugar" ang kaniyang sagot.
Ayon sa Malolos Police, positibo ang biktima na na-gang rape kaya magsasampa siya ng kaso.
Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development ang dalagita pati ang naarestong menor de edad na suspek.
"Pinakiusapan na namin 'yung mga magulang na kung maaari sumuko na sila para malaman talaga 'yung katotohanan," sabi ni Superintendent Heryl Bruno, hepe ng Malolos police. — Jamil Santos/MDM, GMA News
