Napuno ng hiyawan sa saya ang salo-salo ng mga staff sa matagumpay na “Sarili Nating Mundo” world tour matapos silang bigyan nina KZ Tandingan at TJ Monterde ng tig-P100,000.

Sa TikTok video na ibinahagi ni TJ na ipinakita rin sa Facebook page ng GMA Public Affairs, makikita ang kasiyahan ng mga staff dahil sa halagang nakasaad sa ibinigay sa kanilang scratch cards.

Unang kasing inanunsyo na isa lang ang mananalo ng P100,000, samantalang may mas mababang halaga naman na mapupunta sa iba.

“Ito yung mga premyo natin: meron tayong pitong winners ng P5,000, meron tayong limang winners ng P10,000, merong tatlong winners ng P20,000, merong dalawang winners ng P50,000, at merong isang may 100,000,” ayon kay TJ.

“Again, walang uuwing luhaan sa trip na ‘to,” saad pa niya.

Dinugtungan pa ito ni KZ ng pahayag na deserve ng tao ang makakakuha ng P100,000.

Kaya naman kaniya-kaniya na nang kaskas ang mga staff sa scratch card na umaasang siya ang mananalo ng P100,000. Pero ilang saglit lang, isa-isa rin silang naghihiyawan.

Sa huli, lahat ng staff ay nakakuha ng P100,000. Kaya nagkaroon ng pangamba ang mga staff kung na-prank ba sila o nagkaroon ng pagkakamali.

“Deserve niyong lahat! Ramdam namin ang puso every single show. Thank you guys,” saad ni TJ sa comment section.

Nitong Pebrero, nagdaos din si TJ ng three-night concert sa Smart Araneta Coliseum.

Kabilang sa hit songs niya ang “Dating Tayo” at “Palagi” na kasama ang kabiyak niyang si KZ. — Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News