Patay sa isang buy-bust operation ang isang lalaking itinuturing umanong pangunahing tulak ng droga sa Barangay Kaingin, Bacoor, Cavite.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras nitong Miyerkoles, kinilala ang napatay na suspek na si Danilo Taguinod.
Sa isinagawang operasyon, nagpanggap daw na mga taga-linis ng estero ang mga awtoridad upang makalapit sa kanilang target na sampung bahay.
Naaresto ng pulisya ang 40 katao na hinihinalang gumagamit at nagtutulak ng droga sa nasabing barangay.
"May kanya-kanya sila dito kung saan mo gusto, ngayon nagooffer sila ng extra services dito, pag bumili ka sa kanya, pwede mo mismong gamitin sa kanyang bahay. So maraming drug den dito," sabi ni Police Superintendent Vic Cabatingan, hepe ng Bacoor police.
Ang ilang nahuli, todo-tanggi sa paratang laban sa kanila.
"Hindi po totoo 'yun. Nagpapapwesto lang po ako," giit ng suspek na si Rodel Musni.
Dinala ang mga suspek sa tanggapan ng pulisya upang isailalim sa drug test at sampahan ng kaso dahil sa paglabag sa Dangerous Drugs Act.
Sabi ng pulisya, panahon na para paigtingin din ang kampanya laban sa mga opisyal ng baranggay na sangkot sa iligal na droga.
"Nakita niyo naman ang bentahan ng shabu in the video, nagaabutan sa kalsada eh ibig sabihin tolerated, walang ginagawa ang barangay. It's high time na kalampagin natin ang barangay captain," saad ni Police Chief Superintendent Edward Carranza, regional director ng CALABARZON police.
"Kung merong barangay captain na ganyan, open ang bentahan ng shabu, ilalagay namin sila sa list of local officials who are protecting illegal drugs," dagdag niya. —Anna Felicia Bajo/NB, GMA News
