Binaril ng may-ari ng bahay pero nakatakas ang isang magnanakaw na nanloob sa kaniyang bahay sa Bulacan. Ang suspek, natunton at naaresto ng mga pulis kinalaunan matapos magpagamot sa ospital dahil sa tinamo niyang mga sugat.

Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si John Michael Petalbo, 21-anyos. Naaresto siya ng mga pulis habang nagpapagaling sa kaniyang bahay.

Sa kuha ng CCTV sa pinasok niyang bahay isang subdibisyon sa San Jose del Monte City nitong madaling araw ng Huwebes, kita si Petalbo habang kinukuha ang cash at ilang gamit sa bahay tulad ng flat screen tv.

Ayon sa pulisya, ipinuwesto ng suspek ang mga gamit sa gate at unang tinangay ang isang motorsiklo.

Ilang minuto ang lumipas, bumalik si Petalbo para balikan ang iba pang gamit na nanakawin pero nagising na ang may-ari ng bahay at binaril siya.

Kahit tinamaan sa kamay at tagiliran, nagawang makatakas si Petalbo.

"Lumabas na siya at nang akmang babalik siya para balikan 'yung ibang mga gamit na gusto niyang kunin na nai-prepare na niya actually du'n sa tabi ng gate para balikan,  doonn siya nakita ng may-ari at doon siya binaril," ayon kay Sr. Insp. Santos Candido, PCP-3 Commander,  SJDM  police.

Sa follow-up operation ng mga awtoridad, nakakuha sila ng impormasyon tungkol sa isang lalaki na nagpagamot sa ospital dahil sa sugat sa kamay at tagiliran na tinamo umano sa rambolan.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis at nakumpirma na ang lalaking nagpagamot sa ospital ay ang hinahanap nilang suspek sa pagnanakaw .

Natunton ng pulisya si Petalbo sa kaniyang bahay habang nagpapagaling.

"Mayroon siyang kasong theft at doon siya nakapagpiyansa. Pero sa ating follow-up may mga parating pang mga kaso bukod dito sa robbery and carnap," ayon kay Candido.

Paliwanag naman ni Petalbo, nagawa niya ang pagnanakaw dahil sa kawalan ng trabaho at kahirapan. -- FRJ, GMA News