Sa piitan na nagdiwang ng Pasko ang isang 24-anyos na lalaki matapos mabisto ang pagnanakaw niya ng 15 kaha ng sigarilyo at P6,000 halaga ng pera sa isang tindahan sa Antipolo, Rizal. Ang suspek, umaming nagnakaw siya ng sigarilyo ngunit wala umano siyang kinuhang pera.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Biyernes, nahuli-cam ang lalaki na tila bibili lang sa sari-sari store sa Barangay San Isidro Miyerkoles ng umaga, bisperas ng Pasko.
Ilang saglit pa, may kinakalikot na ang lalaki sa may bandang harapan ng tindahan. Sunod nito, nakita na siyang may dala-dalang lalagyan na naglalaman ng mga kaha ng sigarilyo at P6,000 habang paalis ng tindahan.
“Andito po sa lagayan ng sigarilyo [‘yung pera], wala na pong laman, wala na po ‘yung mga resibo po. Hindi na po naisauli,” sabi ni Dominga Bernardo, may-ari ng tindahan.
Humingi ang tindera ng tulong sa barangay upang masuri ang CCTV at mahuli ang magnanakaw.
Natukoy na ang kapitbahay niyang si alyas “MM” ang suspek.
“Ito si MM eh, talagang masasabi na natin, notorious na magnanakaw. Wala pang isang linggo ito nakalalaya. Ano siya, salisi. ‘Pag nagkaroon siya ng pagkakataong magnakaw, magnanakaw siya. Kahit tindahan, bahay, kung ano ‘yung puwede niyang matiyempuhan na nanakawan,” sabi ni ex-o Marvin Corpuz ng Barangay San Isidro.
Nadakip kalaunan ang suspek na umamin sa pagnanakaw ng sigarilyo. Pero giit niya, wala siyang kinuhang pera.
Sa kulungan na siya inabot ng Pasko.
“Nangti-trip lang po kami ng mga kaibigan ko para makapagsigarilyo. Wala pong pera ‘yun sir. Anim na stick lang ‘yun. Ma’am, nagmamakaawa nga ako, Paskong Pasko, mam. Nagmamakaawa ako. Kahit ten times kong bayaran ‘yung anim na stick na ‘yun, mag-Pasko lang ako sa laya,” sabi ni alyas “MM.”
Dati nang nakulong ang suspek dahil sa ilegal na droga at alarm and scandal.
Reklamong theft naman ngayon ang isasampa laban sa suspek na nakapiit sa custodial facility ng Antipolo Police.—Jamil Santos/AOL GMA Integrated News
