Magkakaroon na ng anak ang celebrity couple na sina Loisa Andalio at Ronnie Alonte.

Sa isang Instagram Reel, ipinakita ni Loisa ang kaniyang baby bump habang naka-white dress at pagkatapos ay swimsuit.

Ipinakita rin nina Loisa at Ronnie ang mga plakard na may nakasulat na, “Mommy next year” at “Daddy next year.”

“Baby Jesus, maraming maraming salamat sa pinakamalaking blessing na ipinagkaloob mo sa amin ni R2,” saad ni Loisa sa caption. “You trusted us with a miracle we’ve been quietly holding in our hearts.”

Idinagdag ni Loisa na ito ang unang pagkakataon na nakaramdam sila ng malalim na uri ng pagmamahal para sa isang tao na hindi pa nila nakikilala.

Sinabi rin ng aktres sa kanilang “little miracle” na sabik na silang makilala ito.

“Ikaw ang aming panalangin na sinagot at ang regalong magbabago sa aming buhay ngayong Pasko,” saad pa ni Loisa.

Dinagsa naman ng pagbati ang mag-asawa sa comment section gaya nina Diana Zubiri, Katarina Rodriguez, Jackie Gonzaga, at iba pa.

Nitong nakaraang Nobyembre, inihayag ni Ronnie sa Instagram post na nagpakasal na sila ni Loisa.

Naging magkasintahan ang dalawa mula pa noong 2016.

 

 

Nika Roque/FRJ GMA Integrated News