Mahigit isang kilo ng hinihinalang shabu ang nasabat sa drug buy-bust operation sa University Avenue sa Barangay San Vicente, Quezon City pasado alas tres ng madaling araw nitong Martes.
Nakipagtransaksiyon ang suspek na si Bryan Dudley alias Taba sa loob ng kotse ng operatiba ng National Capital Region Police Office-Regional Drug Enforcement Unit kung saan siya ay nabilhan ng 500 gramo ng shabu sa halagang P400,000.
Nang magkaabutan ay agad na pinadapa sa labas ng kotse ang suspek.
Aktuwal na kuha ng video sa buybust-operation ng NCRPO-RDEU sa suspect na si Bryan Dudley na nakuhanan ng 1.1 kilo ng shabu sa University Ave at Commonwealth Ave. Quezon City @dzbb pic.twitter.com/GIk82J43Vj
— Allan Gatus (@allangatus) July 23, 2018
Nakuha pa ang anim na plastic ng hinihinalang ilegal na droga sa loob ng paper bag na nasa 600 gramo ang timbang.
Sa kabuuan, may street value na P7.5-M ang mga nasabat na droga.
P7.5M halaga ng umano’y shabu, nasabat sa buy-bust operation ng RDEU sa University Avenue sa Quezon City. Buong detalye sa live report sa @UnangHirit! @gmanews pic.twitter.com/j3fLMkd2tN
— James Agustin (@_jamesJA) July 23, 2018
Kalalaya lamang nitong July 2 ng suspek matapos ma-acquit sa kasong may kinalaman din sa ilegal na droga.
Naaresto siya sa Pasay City noong Abril 8, 2016 sa isa ring buy-bust operation na ikinasa ng Pasay City Police, ayon kay NCRPO Director Police Chief Superintendent Guillermo Eleazar sa isang panayam sa Super Radyo dzBB.
Ayon sa mga pulis, istilo ng suspek ang consignment o pagpapautang ng shabu sa parokyano at babayaran na lamang ang kabuuang halaga kapag naibenta na ang ilegal na droga.
Nang tanungin ni Eleazar ang suspek, sinabi nitong inabot lang sa kanya ang ilegal na droga.
"Wala pa isang buwan na tatlong linggo pa lang nakakawala, so bakit ngayon eh ang lakas ng loob? Kaya ito, tumutugma ito sa sinasabi natin na talagang 'yung ibang nakukulong nagkakaroon sila (ng connections) sa ibang mga drug dealers rin," ani Eleazar.
"At habang nasa loob, nagkakaroon sila ng interactions at itong lumabas na, siya na mismo ang nag-operate. May network na kaagad siya," dagdag niya.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Iniimbestigahan na ng pulis ang mga supplier ni Dudley at iba niyang mga koneksiyon. —Rie Takumi/KG, GMA News
