Napaiyak na lamang ang isang babaeng tricycle driver matapos tangayin umano ng kawatan ang kaniyang motor sa Barangay Commonwealth, Quezon City.
Ang lalaki, nagpanggap pang tricycle driver para hindi mahalata ng ibang tao ang kaniyang pagnanakaw.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang biktima na si Jovelyn Ancla, 33-anyos, na napaiyak nang humarap sa mga opisyal ng Barangay Commonwealth.
"Wala kaming ibang inaasahan kundi maghanap-buhay tricycle lang po," aniya.
Nangyari ang insidente Biyernes ng madaling araw, kung saan hindi nahagip sa CCTV ang mismong pagtangay ng kawatan sa tricycle habang nakaparada sa tapat ng kanilang bahay.
Ngunit nakunan ang pagsakay ng suspek sa tricycle. Nagpanggap pa siyang minamaneho ito para hindi mahalata ng iba pang tricycle driver sa kalye.
Tinulak na ng suspek ang tricycle pagkalagpas ng mga motorista.
"'Yung CCTV naman po kahit napakalinaw, nakatalikod. Magulang din po eh," sabi ni Ancla.
Ngunit natuklasan pang hindi nag-iisa ang suspek, dahil may apat pa palang nag-aabang sa kaniya sa isang kanto.
Nagsilbing mga lookout ang isang sakay ng tricycle din na walang bubong at isa pang nakamotorisklo.
Pagkaparada ng nakaw na sasakyan, iginilid ito ng suspek saka na kinalikot ang mga wire, pinaandar ang motor at tumakas.
Ayon sa mga awtoridad, kabilang sa malaking grupo ang mga suspek, at posibleng mga nakaw din ang dala nilang isa pang tricycle mula sa ibang barangay.
"Marami sila kasi siyempre, 'yung mga hindi inaasahan na baka mahuli, eh nanlalaban na itong mga 'to eh," sabi ni Julius dela Cruz, ex-o ng Barangay Commonwealth.
Nagsabi na rin ang biktima na abisuhan sila tungkol sa kanilang tricycle.
"Paki-inform na lang po dito sa Barangay Commonwealth para matulungan niyo po kami maibalik 'yung tricycle. Kahit hanggang ngayon po, iniisip namin kung paano kami makakapag-umpisa uli eh." —Jamil Santos/KG, GMA News
