Patay ang tatlo umanong snatcher at holdaper habang nadamay ang isang motorcycle rider sa nangyaring engkwentro sa Dr. Garcia St. corner Panay Avenue sa Quezon City alas nuebe y media nitong Linggo ng gabi.

 

 

Naisugod pa sa ospital ang nadamay na motorcycle rider na si George Marcelino pero idineklarang dead on arrival.

Si Marcelino ay empleyado ng printing department ng The Philippine Star.

Habang pinoproseso ng SOCO ang pinangyarihan ng engkwentro, isa sa mga suspek ang napansing humihinga pa.

Isinakay siya sa police mobile at isinugod sa East Avenue Medical Center pero idineklarang dead on arrival.

Kwento ng babaeng biktima, naglalakad siya sa Roosevelt Avenue corner Del Monte Avenue papunta sa isang mall nang biglang hablutin ng mga suspek ang kanyang bag.

 

 

Sakay daw ang mga suspek ng tricycle.

Laman ng bag ang P2,000 at cellphone.

Nang mahimasmasan daw siya ay humingi siya ng tulong sa pinsan at pumunta sila sa police station.

Ayon kay Quezon City Police District Director Police Chief Superintendent Joselito Esquivel, nagkataon naman na nagsasagawa ng surveillance operation sa lugar ang mga operatiba ng District Special Operation Unit (DSOU) na nakakita sa mismong insidente.

Hinabol na raw ng mga pulis ang mga suspek at nakabarilan ang mga ito pagdating sa Dr. Garcia Street.

Nadamay lang daw si Marcelino na nataong dumaan noon sa lugar at tinamaan ng bala.

 

 

Pero iimbestigahan ng QCPD kung kaninong bala ang tumama kay Marcelino.

Nakuha ang tatlong baril mula sa mga napatay na suspek.

Positibo silang kinilala ng biktima na humablot ng kanyang bag maging ang ginamit nilang tricycle.

Sa kuha naman ng CCTV ng barangay, kita ang pagdating ng mga operatiba ng DSOU sakay ng kotse.

Nahagip din ang pagtatayo nila sa motorsiklo ni Marcelino. â€”KG, GMA News