Kalaboso ang dalawang umano'y nambubugaw ng siyam na babae kabilang na ang pitong menor de edad sa isang operasyon ng pulis Caloocan, ayon sa ulat ni Cecil Villarosa sa Unang Balita ngayong Lunes.
Naabutang ng mga operatiba ng Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC) na umiiyak ang mga batang nasagip sa magkahiwalay na operasyon sa dalawang motel sa Caloocan City.
Sa isang motel, naligtas ang apat na bata at naaresto ang isang umanong bugaw na nakuhanan ng marked money na nagkakahalagang P3,000.
Todo tanggi ang suspek ngunit ito'y umamin na dating naglapit ng mga babae sa bugaw.
"'Pag nagsabi po 'yung bugaw na 'yun, saka po nila sasabihin sa 'kin na meron po sila. Kaya nga 'yung pupuntahan namin, ako lang po 'yung pinapaharap nila. Pero hindi po ako bugaw," sabi nito.
Lima naman ang naligtas sa isa pang motel kung saan naaresto rin ang isa pang suspek.
Sinabi ng hepe ng PNP-WCPC na si Police Chief Superintendent William Macavinta na nakatanggap sila ng tip ukol sa mga bugaw at nang nakumpirma ay nagset-up na sila ng operasyon.
Ginagamit daw ng mga suspek ang Facebook upang maibugaw ang mga biktima.
"Gumagamit din po sila ng Facebook Messenger kung saan dun po sila nakakatanggap ng mga orders galing po dun sa kanilang would-be customers," ayon kay Macavinta.
Kakasuhan ang dalawang suspek ng paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at RA 7610 o Anti-Child Abuse Law.
Dadalhin sa shelter ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga nasagip habang nasa Camp Crame na ang mga suspek. —Rie Takumi/KG, GMA News
